Roderick: ‘Walang atrasan!’
Credit to Author: Tempo Desk| Date: Fri, 28 Dec 2018 17:30:06 +0000
PINABULAANAN ni Councilor Roderick Paulate ang tsismis na may nag-offer sa kanya ng malaking halaga na aabot diumano sa milyones para lang mag-back-out siya sa kanyang kandidatura para vice-mayor ng QC sa 2019 mid-term elections sa ilalim ng KDP (Katipunan ng Demokratikong Pilipino).
“Nasaan ang milyones na ‘yun? Wala nga akong sponsors,” pahayag ng actor-politician over merienda with some close entertainment press members.
What if, may mag-offer nga ng malaking halaga para umatras siya sa kanyang kandidatura?
“Hindi ko tatangapin,” mariing sabi ni Paulate. “Paninindigan ko ang laban ko. Walang atrasan.”
Aniya, kulang man siya sa pondo para sa kanyang kandidatura dahil walang malaking partido na sumusuporta sa kanya, ang ipanlalaban niya’y ang mga nagawa niya para sa mga constituents niya sa second district ng QC. Last term na ni Paulate bilang councilor.
Samantala, napapanood pa rin siya sa “Ang Probinsiyano” kung saan gumaganap siya bilang si Mayor Adonis Dimagiba. Mayor nga raw ang tawag sa kanya kapag nakikita siya sa public places. Joke ni Paulate, baka malito ang mga botante sa araw ng eleksyon. Baka raw mailagay ang pangalan niya sa mga kumakandidatong mayor.
NAUDLOT
Sa pakikipagtsikahan pa rin namin kay Paulate, muli siyang natanong about his love life. For the longest time kasi ay single siya, kaya biniro siya ng mga kausap na kaibigang reporters kung idol ba raw niya si former president Noynoy Aquino o si Mayor Herbert Bautista.
May isyu noon na nagpagawa ng bahay si Dick for his future family. Aniya, para sa namayapa nang mother niya ang ipinagawa niyang bahay noon.
Nakarelasyon ni Paulate si Atty. Olma Inocentes at ang former actress na si Jackie Aquino. Na-link din si Roderick kay Carmi Martin, pero aniya, super friends lang sila.
Ani Roderick, hindi siya naghahanap ng love life. “Kung darating, darating ‘yun,” he said.