Mental health program, palalakasin
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Maisasakatuparan na ang paghahatid ng iba’t-ibang serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan sa Palawan ng Philippine Mental Health Association (PMHA) matapos malagdaan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng nasabing asosasyon at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan kamakailan.
Nakasaad sa kasunduan ang pagsasagawa ng PMHA ng community mental health programs na kinapapalooban ng iba’t-ibang serye ng pagsasanay para sa mga doktor, social workers, health workers maging ang mga day care workers na siyang pangunahing tagapaghatid ng programa sa mga komunidad ng Palawan.
Dagdag pa rito ay magkakaloob din ang naturang asosasyon ng Mental Health Community Outreach Program sa pamamagitan ng psychiatric services tulad ng psychiatric consultation para sa mga out-patients at iba pa.
Bahagi rin ng programa ang pangangasiwa sa kaso ng depresyon bunsod ng nakalap na impormasyon na tumaas ang bilang ng mga taong nagpapatiwakal dahil sa matinding problemang kinakaharap ng mga ito hindi lamang sa lalawigan ng Palawan kundi maging sa buong bansa.