Kotse ang sakyan, ‘wag babae!

Credit to Author: Tempo Desk| Date: Wed, 24 Jul 2019 16:30:55 +0000

 

alex calleja alex-syon of the Day

ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

*  *  *

Hi Alex,

May binibentang second hand na kotse dito malapit sa amin, 2014 Toyota RAV. Maganda pa raw, kahit kelan hindi nasira at casa-maintained. Ibig sabihin, Toyota mismo ang nagme-main­tain. Pero kaya daw masarap bilhin eh kasi lady-owned o babae ang unang may-ari. Bakit ba maganda kapag babae ang unang may-ari ng kotse?

                                                                        Sol ng Taguig

Hi Sol,

Hindi ko rin maintindihan kung bakit mas maganda kung babae ang may-ari. Ang sabi kasi nila daw eh kapag babae, maingat at mabagal magmaneho. Malinis din daw sa sa­sakyan ang mga babae. Pero sa totoo lang hindi totoo ito. Ang misis ko kung magmaneho ang bilis eh! Walang sinasantong humps o lubak! Hindi rin malinis kasi tambak lahat ng gamit sa likod at andun lahat ang make-up! Kung maingat ang pag-uusapan, hindi rin! Ang misis ko, kung makasingit akala mo ang dala motor eh! Hindi pa marunong mag-troubleshoot ng sira. Ang misis ko, ng tinanong ko kung anong sira ng kotse, ginaya lang yung tunog eh! May naririninig daw siya sa makina na parang tunog pusa! Para makasigurado ka, sakyan mo muna bago mo bilhin. Sakyan mo yung kotse ha, wag yung babae!

*  *  *

Hi Alex,

Madalas kong mabalitaan na may nambabato daw ng kotse kapag dumaan ka sa C5 kapag hatinggabi. Eh madalas akong dumaan sa C5 kapag hatinggabi. Natatakot ako na baka mabiktima ako balang-araw. Ano ba ang ga­gawin ko para hindi ako mabato?

                                                                        Donald ng Paranaque

Hi Donald,

Para hindi ka matamaan ng bato kapag dumadaan ka sa C5, sumabay ka sa truck, gawin mo silang panangga ka. Ang daming truck sa C5, lalo na sa hatinggabi! Kung ayaw mo, umiwas ka lang sa C5 o kaya maglakad ka na lang pauwi!

*  *  *

Hi Alex,

Mahilig ako kumain ng gu­lay. Kapag bumibili ako sa palengke, karaniwan hindi na sariwa. Pero pinagpipilitan pa rin ng mga tindera sariwa ang mga gulay na tinitinda nila! Paano ko ba malalaman kung sariwa pa ang isang gulay?

                                                                        Carrie ng Naic, Cavite

Hi Carrie,

Madali lang malaman kung sariwa pa ang gulay. Kapag nakatanim pa sa lupa, ayun, sariwa yun!

*  *  *

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

http://tempo.com.ph/feed/