Marami pa rin mga aswang!
Credit to Author: Tempo Desk| Date: Mon, 08 Jul 2019 11:59:43 +0000
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Kumalat sa lugar namin na may aswang daw kaya ang daming natakot. Pero hindi ko alam kung maniniwala ako dahil modern na ang panahon ngayon. Madaming CCTV at lahat may cellphone para i-record kung talagang totoong may aswang! May aswang pa bas a panahon ngayon?
Celso ng Antipolo
Hi Celso,
Meron pang aswang ngayon. Yung mga nang-aaswang ng asawa! Ingat ka, marami pa rin sila!
* * *
Hi Alex,
Madaming mga riding-in-tandem sa Pilipinas ang gumagawa ng krimen. Karamihan holdap o snatching ang ginagawa. Gusto ko lang malaman kung sino ang mas malaki ang hati or cut, yung driver o yung angkas?
Crispin ng Pateros
Hi Crispin,
Bakit interesado ka? Balak mo bang maging riding-in-tandem? May bagong motor ka ba? Kung magtanong ka parang business ang tinatanong mo ha! Ang dami-daming problema sa mundo dyan ka pa nag-focus!
* * *
Hi Alex,
Maraming ipis at daga sa bahay namin! Ayaw ko naman bumili ng lason para sa ipis at daga dahil baka pati mga anak ko makakain. Ano bang mabisang paraan para mawala ang ipis at daga sa bahay namin?
Menchu ng Imus, Cavite
Hi Menchu,
Mahirap talaga ang problema mo dahil ang hirap patayin ang mga ipis at daga sa bahay. Mabilis pa sila dumami. Mag-alaga ka ng pusa, minsan takot pa sa daga dahil mas malaki ang daga sa kanila. May alaga nga kaming pusa, naging kaibigan pa ang mga daga tapos takot sa ipis! Lumipat ka na lang ng bahay! Siguraduhin mo lang na hindi sila sasama. O kaya, pag-awayin mo yung grupo ng ipis at daga. Pumatay ka ng isang ipis at daga. Tapos pagtabihin mo yung patay na ipis at daga, lagyan mo kutsilyo sa katabi. Iisipin nila, nag-away yung ipis at daga. Simula na ng away ng dalawang grupo yan! Mag-uubusan sila ng lahi.
* * *
Hi Alex,
Bakit kapag may nahuling criminal, kadalasan napapatay sa loob ng presinto?
Danny ng Pasig
Hi Danny,
Lumaban kasi di’ba? Nang-agaw nga ng baril ng pulis! Ayaw mo ba maniwala? Ayaw mo maniwala na pwedeng mang-agaw ng baril ang taong nakaposas ang kamay sa likod! Gusto mo bang madala sa presinto?
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007