Tumulad ka sa construction boy!
Credit to Author: Tempo Desk| Date: Thu, 27 Jun 2019 11:05:57 +0000
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Aaminin ko na may asawa na ako pero madalas pa rin ako mambabae. Hindi ko mapigilan ang sarili ko. Ang problema ko eh ang mga nagiging babae ko eh hindi alam na may asawa ako. Kaya naman madalas magyaya ng date sa mall. Madalas manuod ng sine, kumain sa restaurant at maglakad sa department store kasi akala binata ako. Natatakot man ako namahuli eh wala akong magawa dahil ayaw ko naman sumama ang loob sa akin. Ano ba ang gagawin ko sa sitwasyon ko?
Joseph ng Bacoor, Cavite
Hi Joseph,
Saludo ako sa’yo Joseph dahil ang tapang mo. Pero mali yang ginagawa mo! Mali ang mambabae! At mali rin na ang babae mo eh hindi alam na may asawa ka! Delikado yan! Dapat, isang babae lang ang lolokohin mo, kapag dalawa, malaking gulo yan! Dapat, ang misis mo lang ang hindi nakakaalam na may babae ka at ang babae mo naman, alam na may misis ka! Pero hindi na ako makikialam sa buhay mo dahil matanda ka na! Alam mo na ang tama at mali. Ito ang payo ko sa’yo! Kapag manunuod ka ng sine, wag yung magandang pelikula, wag yung maraming manunuod! Takaw huli yun! Dapat last full show at mga isang buwan na yung pelikula! Kapag kumakain ka naman sa restaurant, dun ka pwepwesto sa pinakasulok para kita mo lahat ng mga pumapasok! Dapat alam mo rin ang nearest fire exit para makakalabas ka agad! Kapag naglalakad ka naman sa department store, wag sa mga puntahan ng mga babae! Baka masalubong mo misis mo! Dun ka sa hardware section maglakad! Goodluck sa magulo mong buhay!
* * *
Hi Alex,
Binata po ako at gusto kong magpalaki ng katawan. Gusto ko po mag-gym pero ayaw naman ng nanay ko kasi gastos lang. Tumulong na lang daw ako sa gawaing-bahay! Ano po kaya ang gagawin ko para lumaki ang katawan ko?
Dante ng Marikina
Hi Dante,
Hindi mo kailangan mag-gym! Tama ang nanay mo! Tumulong ka sa gawaing bahay! Mag-igib ka, lalaki ang katawan at braso mo! Maglampaso ka ng sahig, lalaki ang hita at binti mo. Gayahin mo ang mga construction workers, hindi nag-gi-gym pero ang lalaki ng katawan!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007