Masayang panaginip

Credit to Author: Tempo Desk| Date: Mon, 22 Apr 2019 11:31:25 +0000

 

alex calleja

ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may sulira­nin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simu­lan na natin!

Hi Alex,

Dahil traffic sa Metro Manila, sinubukan ko ang sumakay sa ANGKAS. Ang ANGKAS ay parang GRAB din pero motor naman imbes na kotse. Mas mura rin ito kesa sa GRAB at ayos naman ang serbisyo. Safe rin dahil may helmet na ipapasuot sa’yo. Mas mabilis kesa sa GRAB kasi motor ang gamit kaya nakakasingit sa traffic. Nasubukan mo na ba ang ANGKAS Tito Alex?

Erin ng Mandaluyong

Hi Erin,

Nasubukan ko na at tama ka, mas mabilis sa traffic dahil motor nga at nakakasingit. Ang problema ko lang eh maselan ako at medyo naiisip ko kung ilan na ang gumamit ng helmet. Kasi yung nasakyan ko, yung pinagamit sa aking helmet eh amoy kulob. Naisip ko tuloy kung ilang ulo na ang gumamit ng helmet ko.

Syempre pinagpawisan yun dahil mainit ang panahon. Ang isang problema ko pa eh yung mag-amoy usok dahil dumadaan ako sa EDSA. Totoo pala na ang EDSA ay may amoy. Kapag bumaba ka, amoy EDSA ka na! Ano ang amoy EDSA, combination ito ng usok ng lahat ng sasakyan sa EDSA, haluan mo ng pawis at amoy ng araw. Saka, naiilang din ako dahil lalake ang nagda-drive at kailangan ko humawak sa kanya! Baka sa kakahawak ko eh magkadebelopan kami. Pagbaba ko eh may relasyon na kami at hindi ko na kaya na magkahiwalay kami. Yun lang naman.

Hi Alex,

Madalas ako babangutin na may nakadagan sa akin na babae at hindi ako makakilos. Nagigising ako na pagod na pagod at mabigat ang dibdib. Madalas mangyari sa akin ito sa isang linggo. Ano bang gagawin ko para maputol ang bangungot na ito?

Jun ng Alabang

Hi Jun,

May babaeng nakadagan sa’yo at ang tawag mo bangungot! Hindi bangungot yun, masayang panaginip yun! Ganito ang gawin mo! Kapag nanaginip ka ulit na nakadagan sa’yo ang babae, umikot ka para ikaw naman ang nakadagan sa kanya. Halikan mo para madala! Panigurado, hindi na ulit magpapakita sa panaginip mo yun! Ang susunod na panaginip mo eh hinuhuli ka ng mga pulis dahil sa ginawa mo!

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com

facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

 

http://tempo.com.ph/feed/