Lodi si Pepe Smith
Credit to Author: Tempo Desk| Date: Wed, 06 Feb 2019 16:10:33 +0000
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Salesman ako kaya kung saan-saan ako napapadpad sa buong Luzon. Madalas akong i-text at tawagan ng misis ko. Tinatawagan niya ako para kumustahin. Hindi ko alam kung nangungumusta talaga o gusto lang malaman kung nasaan ako at kung ano ang ginagawa ko. Ang problema, may mga lugar akong napupuntahan na walang signal, cellphone at Internet. Dyan ako nagkakaproblema sa misis ko kasi hindi niya ako ma-contact. Wala naman akong ginagawang masama kaya lang ayaw niyang maniwala. Ano bang gagawin ko kapag nasa lugar ako na walang signal?
Melencio ng Hagonoy, Bulacan
Hi Melencio,
Wala tayong magagawa dyan. Technology problem na yan. Trust issue na yan sa misis mo! Kung wala ka namang ginagawa eh wala kang dapat problemahin! Teka, maiba tayo. Saan bang mga lugar yan na walang signal? Gusto kong mapuntahan yan para hindi ako ma-contact ng misis ko!
* * *
Hi Alex,
Hindi ako mahilig sa mga pagkain na binibenta sa kalye pero sarap na sarap ako sa taho at sorbetes! Bakit masarap ang taho at sorbetes na nilalako sa kalye?
Delia ng Makati
Hi Delia,
Masarap ang sorbetes at taho dahil pinaghirapan sila ng mga nagbenta! Dugo at pawis ang puhunan nila. Minsan, talagang may halong pawis ang binibenta nila kaya lalong masarap dahil nagdadagdag ng alat!
* * *
Hi Alex,
Gustong gusto ko pumuti kaya naghahanap ako ng effective na whitening soap. Marami akong nakikitang commercial pero hindi naman kapani-paniwala kasi ang mga endorsers eh talaga namang mapuputi! Sino ba ang endorser na maniniwala ka kapag nag-endorse ng whitening soap?
Portia ng Malabon
Hi Portia,
Kung nabubuhay pa si Michael Jackson, siya ang pinaka-effective na endorser ng whitening soap! Pinanganak siyang maitim pero namatay siyang maputi! Siya ang kukunin ko!
* * *
Hi Alex,
Last month namatay si Pepe Smith. Gustong gusto siya ng tatay ko kaya lahat ng kanta niya, pamilyar ako. Kayo po ba, paborito niyo rin si Pepe Smith?
Sonny ng Pasay City
Hi Sonny,
Paborito ko si Pepe Smith. Tatlong Pepe lang ang gusto ko mula ng bata ako, Jose ‘Pepe’ Rizal, Pepe Pimentel, at Pepe Smith. Si Pepe Smith lang ang tanging Pepe na kahit tumanda na, gustong-gusto ko pa rin!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007