Madulas at masakit!

Credit to Author: Tempo Desk| Date: Wed, 14 Aug 2019 12:43:54 +0000

 

alex calleja alex-syon of the Day

ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may sulira­nin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

Hi Alex,

Bwisit na bwusit ako sa mister ko! Kapag inuutusan ko, lagi na lang akong sinasagot ng ‘sandali lang, may tatapusin lang ako’! Kapag kinakausap ko, lagi na lang akong sinasagot ng ‘sandali lang, may tatapusin lang ako’. Lagi na lang ganun ang sagot sa akin! Mula ng kinasal kami at nagkaroon na ng tatlong anak, ganun lagi ang sinasagot niya! Bakit ganun palagi ang sagot sa akin ng mister ko?

                                                                                    Divine ng Malabon

 

Hi Divine,

Sasagutin ko ang tanong mo pero sandali lang ha, may tatapusin lang ako.

Hi Alex,

Ang daming mga kotse ang dumadaan sa tapat ng bahay namin at puro maiingay ang tambutso. Minsan sunod-sunod pa sila. Ang problema eh mada­las silang dumaan sa hating-gabi kung kelan tulog na kami. Nagigising tuloy ang mga anak ko at nahihirapan na bumalik sa pagtulog. Ano ba ang gagawin ko para matigil na ang mga maiingay na kotse na ‘to?

                                                                                    Carl ng San Juan

Hi Carl,

Maglagay ka ng humps sa tapat ng bahay niyo. Taasan mo. Para marinig mo ang pagsayad ng tam­butso nila. Malamang kasi naka-lowered ang mga yan! Maniwala ka, hindi na sila dadaan sa tapat mo. Magiging mahimbing na ang tulog niyong pamilya.

Hi Alex,

Kapag maulan po ay madami ang nadudulas sa tapat namin. Ang nakakainis po ay pinag­tatawanan ng mga taong na­kakakita. Nakakaawa tuloy ang mga nadudulas. Ano po ba ang gagawin ko para matigil na ‘to?

                                                                                    Eumi ng Mandaluyong

Hi Eumi,

Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng sulat mo. Ano ba ang gusto mo matigil, ang pagtawa o ang pagdulas? Ang naiisip ko na solusyon ay ang paglalagay ng paskil o sign. Dalawang paskil o sign ang dapat mong ilagay. Sa lugar na madulas, ito ang ilagay mo na sign – ‘Mag-ingat, madulas, masakit na, pagtatawa­nan pa!’. Doon naman sa mga may nakatambay, ito ang ilagay mong sign – ‘Wag agad tawanan ang mga madudulas, hintayin munang umalis bago tumawa’. Hindi mo talaga mapipigilan ang ugali ng mga Pinoy na tumawa sa mga nadudulas, bago ito tulungan!

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com

facebook/twitter/instagram: alex­calleja1007

http://tempo.com.ph/feed/