Hinay-hinay lang, baka masobrahan
Credit to Author: Tempo Desk| Date: Tue, 13 Aug 2019 09:34:35 +0000
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Usong-uso ang rabies sa amin at ako ang taong takot na takot sa rabies. Sabi nila hindi lang daw sa aso makukuha ang rabies, sa ibang hayop din. Ano-ano po bang mga hayop ang pwedeng magka-rabies?
Tori ng Cabanatuan
Hi Tori,
May mga rabies din ang pusa, daga at iba pang hayop. Kahit nga mga tao may rabies din. May kaibigan nga ako ang tawag boy rabies kasi kapag nagsasalita, naglalaway. Kawawa ka talaga dito sa Pilipinas dahil ang pangalan mo napapalitan ayos sa nakikita sa katawan mo. Kapag may kuntil ka at Elmer ang pangalan mo, nagiging Elmer Kuntil ka! Kapag kulot ang buhok mo at Danny ang pangalan mo, nagiging Danny Kulot ka! Kapag may putok ka at Ben ang pangalan mo, nagiging Ben Putok ka! Anyway, balik tayo sa rabies. Para hindi ka magkarabies, umiwas ka na lang humawak o lumapit sa mga hayop. Wag kang papakagat, papadila o papakalmot. Mag-alaga ka na lang ng halaman, walang rabies yan, except sa okra! Ang okra parang may rabies kasi naglalaway!
Hi Alex,
Balak kong magpapayat kaya exercise at sports ang kinakahiligan ko ngayon. Pero sabi nila dapat daw tinitigan ko rin ang mga kinakain ko. May mga pagkain daw dapat iwasan ko dahil nakakataba. Ano-ano bang mga pagkain ang dapat kong iwasan dahil nakakataba?
Mitch ng Cainta
Hi Mitch,
Tama ang ginagawa na pag-eexercise at pagsali sa mga sports. Kahit hindi ka man pumayat, at least healthy ka kasi active ka. May mga pagkain kang dapat iwasan, totoo yun. Lahat naman ng pagkain nakakataba kapag nasobrahan ka! Dapat hinay-hinay lang. Kasi baka madami kang mag-kanin! Ang kanin, kapag nasobrahan ka, nakakataba! Lahat ng uri ng kanin ha! May kakilala kasi ako, half-rice nga pero ang dessert naman, 5 biko! Ang biko, kaning malagkit yun! May isa din akong kaibigan, half-rice din pero ang lakas kumain ng lugaw! Hello, kanin din ang lugaw! May kakilala naman ako, malakas ng kumain ng gulay pero sinasabayan naman ng beef at pork sa samgyupsal! Wala rin! Ginagawang palaman ang karne sa gulay! Tigilan!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007