Mahalaga ang pera at cellphone!
Credit to Author: Tempo Desk| Date: Wed, 03 Jul 2019 11:25:25 +0000
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Gusto kong makarating sa iba’t ibang bansa. Bukod sa passport at visa, ano pa ang kailangan?
Mykah ng Calamba
Hi Mykah,
Pera! Kailangan mo ng pera!
* * *
Hi Alex,
Sa Pilipinas, iba’t ibang kamalasan ang mararanasan mo. Mawalan ng tubig, mawalan ng kuryente, masunugan, bahain at malindol. Ikaw, Tito Alex, anong pinaka-ayaw mong mangyari sa buhay mo?
Dado ng Pasay City
Hi Dado,
Ang pinaka-ayaw kong mangyari sa buhay ko eh yung naliligo ako tapos nawalan ng tubig at kasabay nun eh nawalan ng kuryente! Tapos habang papalabas ako eh biglang lumindol kaya bumagsak ang kandila ng kapit-bahay kaya nasunog ang buong baranggay namin! Dumating ang bumbero at binomba kami ng tubig kaya nagbaha sa paligid! Malas mo kapag nangyari sa’yo yan! Magsimba ka at humingi ng tawad sa Panginoon!
* * *
Hi Alex,
Halimbawa nawala ang lahat ng relo at orasan sa buong mundo, paano mo malalaman kung anong oras na?
Didith ng Quezon City
Hi Didith,
Tignan mo sa cellphone mo ang oras!
* * *
Hi Alex,
Madaming magandang babae sa bansa natin. Iba-iba ang itsura nila, may maputi, may kayumanggi. May mestisa, may tsinita at may mga bumbayin ang itsura. Mahilig ako sa magagandang babae! Pero mas gusto kong babae eh yung mahaba ang buhok! Gandang-ganda ako sa kanila. Ikaw Tito Alex, mahabang buhok o maigsi?
Carl ng Alabang
Hi Carl,
Ano bang buhok pinag-uusapan natin? Baka buhok sa ilong yan o baka buhok sa alam mo na, sa kili-kili (baka madumi ang isip niyo)! Mas gusto ko ang babaeng maiksi ang buhok, halos parang gupit lalake na! Lumalabas talaga ang ganda ng babae kapag maikli ang buhok. Saka mas matipid ang babaeng maiksi ang buhok kesa mahaba! Kapag mahaba, magastos sa parlor, shampoo at conditioner! Maiksi, mas matipid!
* * *
Hi Alex,
Bakit po sa umaga inaantok ako, pagdating sa gabi, hindi ako makatulog?
Zeny ng Malolos, Bulacan
Hi Zeny,
Kaya inaantok ka sa umaga kasi hindi ka makatulog sa gabi, kaya ka naman hindi makatulog sa gabi kasi malamang, sa umaga ka natutulog! Maliwanag ba ang paliwanag ko? Kasi kung ang paliwanag ko ay hindi maliwanag, padilim yun!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007