Maibabalik rin naman ang pera mo

Credit to Author: Tempo Desk| Date: Thu, 06 Jun 2019 06:13:05 +0000

 

alex calleja alex-syon of the Day

ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

*  *  *

Hi Alex,

May problema kami ng boy­friend ko. Nagtapat siya sa akin na nakabuntis daw siya ng ibang babae. Hindi niya raw sinasadya kasi lasing lang siya. Nakilala niya raw ang babae sa isang bar 2 months ago at nag­kainuman sila. Nalasing daw siya at kinabukasan, nagising siya na magkatabi silang hubo’t hubad. Hindi na raw gusto si girl pero pinapanagutan sa kanya ang bata sa tiyan niya! Ano ang gagawin ko?

Gigi ng Novaliches

 

Hi Gigi,

Wala kang gagawin dahil hindi na­man ikaw ang nakabuntis. Problema na ng boyfriend mo yun! Hindi ako naniniwala sa lasing lasing na yan. Malikot talaga ang boyfriend mo! Nag­ising ng hubo’t hubad tapos walang matandaan! Ano, kinaladkad siya ng babae sa kwarto at pinagsamantala­han! Wow! Nasa sa’yo na yan kung papatawarin mo pa ang boyfriend mo! Baka balang-araw, malasing ulit yan!

*  *  *

Hi Alex,

Ang daming mga turista dito sa ating bansa lalo na sa mga beaches. Madalas akong makaki­ta ng mga European na gustong-gusto ang weather sa atin dahil sawang-sawa na raw sila sa snow at malamig na weather. Bakit kaya gusto nila ang weather sa atin?

Patsy ng Bacoor, Cavite

 

Hi Patsy,

Mas maganda talaga ang weather ng Pilipinas! Maliwanag, mainit at talaga namang pagpapawisan ka. Nakaka-happy pa ang weather natin. Sa ibang bansa kasi, lalo na sa Europe, nakakadepress kasi puro snow at na­pakalamig pa. Gloomy ang weather! Gustong-gusto ng mga European ang summer na weather natin. Saka gusto din nila makakita ng mga naka-two piece na outfit sa beach. Mahirap kasi mag-two piece sa snow, mamamatay ka sa ginaw!

*  *  *

Hi Alex,

May mga ATM na kapag nag-withdraw ka, hindi naglalabas ng pera. Kailangan mo pa tuloy tumawag sa bangko para mai­balik sa’yo! Mababalik nga pero matagal! 2 to 3 weeks bago mai­bilik sa’yo ang pera mo! Bakit ba nangyayari ito sa mga ATM?

Garet ng Taguig

 

Hi Garet,

OK lang yan! Technical problem ang tawag dun! Maibabalik rin naman! Mas OK na yan kesa mautangan ng kaibigan at mapangakuan na ibabalik sa katapusan! Hindi mo alam kung ke­lang katapusan, katapusan ng buwan o katapusan ng mundo!

*  *  *

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

http://tempo.com.ph/feed/