‘Di bale walang UFO basta may aswang
Credit to Author: Tempo Desk| Date: Mon, 03 Jun 2019 09:20:48 +0000
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Kapag nasisira ang remote control, ano ba talaga ang pinaka-effective na paraan para maayos ito?
Sharon ng Dapitan
Hi Sharon,
Maraming paraan para maayos ang remote control, ang iba pinupukpok, ang iba binabalibag, ang iba hinihihipan at ang iba naman, pinapalitan lang battery! Pero kapag talagang hindi na gumagana, hindi na pinapaayos, bumibili na lang ng universal na remote control. Ito yung remote control na pwede kahit saang TV. Matutuwa ka kapag may universal remote control ka, pwede mong gamitin kahit saan! Pwede mong panakot! Punta ka sa kapit-bahay, dalhin mo yung remote control, tapos magtago ka! Ilipat mo yung channel, tignan mo reaction nila, akala nila, may multo!
* * *
Hi Alex,
Nagbabasa ako ng mga news sa ibang bansa at madalas na nakakakita ang mga taga-ibang bansa ng UFO o Unidentified Flying Object. Ito yung mga spaceship na ang sakay daw eh mga alien. May mga iba ngang nakakita, nakuhanan pa ng video! Bakit dito sa Pilipinas, wala akong masyadong nababalitaang nakikitang UFO?
Iya ng Villamor
Hi Iya,
Huwag kang mainggit kung wala tayong UFO, meron naman tayong mga aswang! Sa ibang bansa walang aswang, sa atin lang meron! May mga na-feature pa nga, diumano, sa Kapuso Mo, Jesicca Soho!
* * *
Hi Alex,
Malapit na ang pasukan, gusto ng anak ko, bago lahat ang gamit niya! Wala naman akong pera! Paano ko ba makukumbinsi ang anak ko na tangapin niya ang mga gamit kahit second-hand or hindi na bago?
Orion ng Muntinlupa
Hi Orion,
Sabihin mo mas OK ang second-hand kesa bago. Kapag notebook, second-hand, may sulat na, hindi na siya magsusulat! Kapag libro, second-hand, may sagot na ang mga exercises, hindi na niya kailangan sagutan! Sigurado, papayag na ang anak mo!
* * *
Hi Alex,
Anong gagawin ko sa mga damit na mabaho dahil hindi natuyo ng maayos, maulan kasi eh!
Mia ng Malabon
Hi Mia,
Wag mong suotin! Labahan mo ulit! Alam mo ng mabaho, susuotin mo pa! Kung gusto mong suotin, bahala ka! Amoy kulob ka! Wala ka na bang ibang damit? Ang dami ng problema sa mundo, pinoproblema mo pa yan!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007