Iwasang mabiktima ng tulo

Credit to Author: Tempo Desk| Date: Wed, 22 May 2019 16:00:09 +0000

 

alex calleja alex-syon of the Day

ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

*  *  *

Hi Alex,

Napapansin ko na may putok ako at mabaho ang hininga. Buti na lang at wala pa akong nagiging girlfriend since birth. Ano kaya ang gagawin ko sa putok ko at mabahong hininga para naman hindi nakakahiya sa magiging girlfriend ko?

Donato ng Pasay

 

Hi Donato,

Buti na lang at sumulat ka kasi marami tayong masosolve sa mga tanong mo. Maaring kaya ka walang girlfriend since birth eh dahil sa putok at mabaho mong hininga. Maaring hindi rin ito ang dahilan. Maligo ka at maglagay ng tawas para sa putok mo at mag-toothbrush ka at mag-mouthwash para naman sa mabaho mong hininga. Kapag ginagawa mo ito ay pwedeng masolve ang prob­lem mo. Pero sa girlfriend, tignan natin kung may darating kasi hindi makukuha sa paligo at toothbrush ang pagiging single.

*  *  *

Hi Alex,

May kaibigan akong ang ka­pal ng mukha! Sama ng sama sa inuman tapos ang lakas uminom at mamulutan na wala namang ambag! Hindi naman namin masabihan kasi baka sumama ang loob. Paano kaya ang gagawin namin sa kaibigan naming ito para naman mag-ambag siya?

Leonides ng Marikina

 

Hi Leonides,

Sa susunod na inuman niyo, bago uminom, maglalagay ng limangpiso, kapag namulutan, magbibigay ng limangpiso rin. Tignan niyo, babagal uminom at mamulutan yang kaibigan mong makapal ang mukha!

*  *  *

Hi Alex,

Malapit na ang tag-ulan at gusto kong ihanda ang bubong namin. Baka kasi kapag tag-ulan saka ko malaman na may mga butas pala at mabiktima kami ng maraming tulo! Paano ko kaya malalaman kung may mga butas ang bubong namin?

Ambet ng Leveriza, Manila

 

Hi Ambet,

Sa umaga, humiga ka, tumingin ka sa kisame, kapag nakita mo na may liwanag na pumapasok, butas yun! Isa pang paraan – umakyat ka ng bubong, buhusan mo ng tubig ang bubong, bumaba ka sa sala, tignan mo kung may tumulong tubig, kapag meron, may butas yun! Ang pinaka­huli at pinaka-effective – manghuli ka ng langgam, palakarin mo sa bubong, kapag nawala, nahulog sa butas yun! Tignan mo kung nasa loob ng bahay mo yung langgam, kapag may nakita kang pilay na langgam sa sala niyo, nahulog sa butas yun!

*  *  *

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

 

 

http://tempo.com.ph/feed/