‘Nung meron sa buhok na basa?

Credit to Author: Tempo Desk| Date: Mon, 20 May 2019 10:00:56 +0000

 

alex

ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may sulira­nin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malak­ing problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

*  *  *

Hi Alex,

Ang daming paniniwala o pamahiin ng mga matatanda ang hindi ko malaman kung saan nanggaling o kung dapat talagang paniwalaan. Tulad ng dapat hindi nagwawalis sa gabi, kasi malas daw. Meron naman habang kumakain, wag daw pagliligpitan ang isang binata o dalaga kasi hindi na makakapag-asawa. Pero ang isang hindi ko maintindihan eh bakit bawal matulog na basa ang buhok. Ano ba ang mangyayari kapag natulog na basa ang buhok?

Menchu ng Valenzuela

 

Hi Menchu,

Kapag natulog ka na basa ang buhok, mababasa ang unan! Yun lang ang ibig sabihin nun kaya sinasabi sayo yun ng lola mo!

*  *  *

Hi Alex,

Mahilig kami magcamping ng boyfriend ko. Madami na kaming napuntahan na mga camping site dito sa Pilipinas. Masarap kasi yung buhay ng outdoor paminsan-minsan. Yung magluluto ka sa labas, maghahanap ng ilog na mapapaliguan, magbabanyo pero ang gamit, dahon lang. Lahat masaya kapag camping pero ang pinakagusto ko, matulog habang nakatingin sa kalangitan at binibilang ang mga bituin! Naranasan mo na ba mag-camping at matulog na kita ang langit Tito Alex?

Larisa ng Cabanatuan

 

Hi Larisa,

Oo, naranasan ko na ang mag-camping. Minsan nga, nagising ako hatingabi habang nagca-camping at nakita ko ang mga bituin sa kalangitan! Nainis ako kasi nakita ko ang langit! Ang ibig sabihin, may nagnakaw ng tent ko!

*  *  *

Hi Alex,

Madalas ako mag-taxi at ito ang napapansin ko sa mga taxi drivers na nasasakyan ko – sobrang init ng ulo kapag natratraffic! – hampas ng hampas ng manibela, iling ng iling ng ulo at panay ang dabog at buntong-hininga! Kulang na lang ikaw ang sisihin dahil sa traffic! Ano ba ang gagawin ko sa ganitong klaseng mga taxi drivers?

Ponce ng Pandacan

 

Hi Ponce,

Humingi ka ng sorry! Sabihin mo pasensiya na at naging pasahero mo siya. Ikaw ang may kasalanan sa lahat ng mga nangyayari sa buhay niya! Sabihin mo hindi na mauulit. Umiyak ka na rin habang sinasabi mo ‘to para lalong maawa sa’yo! Pagkatapos, ikaw naman ang magreklamo kasi hindi mo gusto ang amoy ng taxi niya! Ikaw naman ang magdabog!

*  *  *

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com

facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

http://tempo.com.ph/feed/