Idaan sa budots
Credit to Author: Tempo Desk| Date: Wed, 15 May 2019 11:40:17 +0000
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Tapos na ang eleksyon at may mga kandidato ang diniklara nang panalo. May mga nagrereklamo na madaming dayaan ang naganap sa nakaraang eleksyon. Ikaw Tito Alex, naniniwala ka ba na may dayaang naganap sa nakaraang eleksyon?
Harry ng Cubao
Hi Harry,
Kapag nanalo ang kandidato, walang dayaan sa nakaraang eleksyon, kapag natalo ang kandidato, meron! Ganun lang kasimple ang buhay!
* * *
Hi Alex,
Ang hirap bumoto sa nakaraang eleksyon dahil hindi makita ang pangalan ko sa voter’s list! Nakarehistro at nakaboto naman ako sa nakaraang 2016 election pero bakit nawawala bigla ang pangalan ko! Kailan ba talaga maaayos ang sistema ng botohan sa bansa natin!
Wally ng Parañaque
Hi Wally,
Matatagalan pa yan. Ginawa na ngang automated pero ang bagal pa rin eh! At ang nakakapagtaka pa niyan ay ang buhay hirap na hirap bumoto pero ‘yung tatay kong matagal nang patay, bumoboto pa rin!
* * *
Hi Alex,
Madaming mga kandidato ang may kaso pero tumakbo ulit. Isa na dito si Bong Revilla. Ang nakakapagtaka, pumapasok pa siya sa top ten sa mga surveys. Mukhang mananalo siya ulit sa nakaraang eleksyon. Ano ang ibig sabihin kapag nanalo ulit si Bong Revilla sa eleksyon?
Menchu ng Pasay
Hi Menchu,
Ang ibig sabihin, sapat na ang pogi at pagsayaw ng budots para manalo ka sa eleksyon! Wala na tayong magagawa dahil patok ‘yun sa majority ng mga botante!
* * *
Hi Alex,
Paborito ko ang siniguelas! Ang sarap! Lalo na kung lalagyan mo ng asin tapos papalamigin mo sa refrigerator. Kaya lang, ang problema ko, bihira ako makakita ng siniguelas! Pati puno, hindi ako nakakakita masyado. Saan ba makakabili ng siniguelas?
Lenlen ng Manila
Hi Lenlen,
Madalas ko makita yan sa San Andres Market. Paborito ko rin yan kasi masarap ibaon sa loob ng sinehan kasama ang girlfriend. Kapag manunuod ako ng sine kasama girlfriend ko, bibili ako ng kalahating kilo at ipapalagay ko sa plastic. Pagpasok namin sa loob ng sinehan, ilalagay ko sa kandungan ko plastic ng siniguelas at bubutasin ko ang plastic. Sa mga lalake, alam niyo ang ibig kong sabihin! Sa mga babae, mahirap ipaliwanag!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007