Diego Loyzaga, umapela
By Delia Cuaresma
Tahasang pinabulaanan ni Diego Loyzaga ang paratang ng Grab driver na kanyang nakasagupa Biyernes noong isang Linggo sa Malate, Manila.
Nahaharap sa kasong malicious mischief ang aktor makaraan akusahan ito ng Grab driver na kinilalang si John Ronnel Paglalunan ng diumano’y paulit-ulit na pag-sipa sa service car niya sanhi ng pagkasira nito.
Pawang kasinungalingan daw ang lahat ng paratang sa kanya ayon sa aktor nang kapanayamin ito ng “TV Patrol Weekend.”
Siya daw at ang mga kasama ang muntik madisgrasya dahil sa biglaang pag-cut sa kanila ni Paglalunan.
“Napaliko talaga iyong driver ko nang malakas sa kaliwa at nag-preno siya nang malakas,” ani Loyzaga sa interbyu.
Tinangka daw niyang kausapin si Paglalunan.
“Pagbaba ko, I said, ‘Peace’ to him. And what did he do? He just put up his phone and started taking a video of me.”
Patuloy pa ng anak ni Cesar Montano at Teresa Loyzaga, “Walang damage ako nagawa sa sasakyan niya.
“Naiwasan ng driver ko.
“’Tapos, five hours later, ang allegation nila sa akin ay sinira ko ‘yung sasakyan, nagbato ako ng bato, at nang-trip ako nang walang dahilan.”
Ani 23-anyos na binata, nakausap na raw niya ang operator ni Paglalunan na si Elaine Tiamzon. Napagkasunduan daw nila na ibase na lang sa CCTV footage na makakalap ang lahat.
Sinigurado daw ni Tiamzon sa kanya na willing silang humingi ng paumanhin sa aktor kung sakaling mapatunayan na si Paglaluan talaga ang may kasalanan.