Daniel Fernando, tinanggihan si Angel?

By Glen P. Sibonga

Tinanggihan ni Bulacan Vice Governor Daniel Fernando ang ABS-CBN teleseryeng “The General’s Daughter,” pero hindi raw dahil sa ayaw niya makatrabaho ang lead star nito na si Angel Locsin, kundi dahil sa kanyang hectic schedule.

“In-offer sa akin ng ABS-CBN ‘yung show pero hindi ko tinanggap kasi nga ‘yung schedule ko dito sa Bulacan bilang public servant. Sabi ko sa ABS, magpapahinga muna ako, focus muna ako sa politika dito sa Bulacan. After election ng 2019 na lang ako gagawa,” paliwanag ni Daniel.

Gusto pa naman daw sana ni Daniel ang role niya sa teleserye.

“Main kontrabida ako e, so mahaba ‘yung role,” aniya.

Hindi ba siya nanghihinayang?

“Siyempre nanghihinayang, kaya lang hindi ko talaga kaya ‘yung schedule e. ‘Yung ngang ‘Ikaw Lang Ang Iibigin’ ginawa ko na lang din kahit nahirapan ako sa schedule. Nagpapasalamat nga ako sa ABS-CBN kasi binibigyan nila ako ng pagkakataon na pumili ng oras para sa politika, pinagbibigyan naman nila. Pero siyempre nahihiya rin ako sa ABS, kasi ayokong maantala ‘yung taping pati ‘yung kapwa ko mga artista. So, focus muna ako sa politika.”

Take note, pinarangalan si Daniel ng Best Drama Supporting Actor trophy ng PMPC Star Awards for Television noong 2017 dahil sa performance niya sa “Ikaw Lang Ang Iibigin.”

Hindi lang daw ang “The General’s Daughter” ang tinanggihan niya.

“May movies, may indie film. ‘Yung ‘Maalaala Mo Kaya,’ ‘yung ‘Ipaglaban Mo,’ sunud-sunod ang tawag pero wala akong tinanggap dahil conflict sa schedule ko.”

http://tempo.com.ph/feed/