Magpapayong na ang anak mo
by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
May girlfriend po ako at gusto niya na magpa-tattoo kami ng mga names namin sa isa’t-isa. OK lang po ba yun?
Mannix ng Pasay
Hi Mannix,
Yan ang wag na wag mong gagawin. Hindi mo naman sigurado kung kayo na forever eh! Mahirap burahin yan! Pero kung talagang mapilit siya, ang ipalagay mo, dapat generic tulad ng Honey, Baby, Loves o kaya Sweetheart! Para kung hindi kayo ang magkatuluyan, pwede mong i-transfer sa susunod mong magiging girlfriend.
•
Hi Alex,
Tag-ulan na at madalas na naman ang baha. Naaawa ako sa anak kong binata na galing sa school at umuuwing basang-basa. Ayaw naman magdala ng payong dahil tinutukso raw siya sa school. Titiisin niya raw na mabasa siya kesa naman tuksuhin siyang bakla ng mga classmates niya. Ano ba ang gagawin ko para makumbinsi ang anak ko na magdala ng payong?
Lenie ng Malabon
•
Hi Lenie,
Ganito ang gawin mo. Hintayin mo siya lumabas sa school araw-araw. Magdala ka ng payong. Payungan mo siya kapag lumabas mula sa school. Samahan mo kung saan man siya magpunta habang nakapayong kayo. Sigurado, magdadala na ng payong yan! Mas gugustuhin ng anak mo na tuksuhin siya na bakla siya kesa naman sa sinusundo siya ng Mommy niya!
•
Hi Alex,
May kaibigan akong may utang sa akin na matagal na. Limang taon na ata ang utang niya. Mga nasa sampung libo ang utang niya. Nahihiya naman akong singilin dahil baka walang pambayad. Paano ko ba malalaman kung may pambayad na ang kaibigan ko sa utang niya sa akin?
Tanya ng Alabang
Hi Tanya,
Mahirap talagang magpautang sa mga kaibigan. Laging idadahilan sa’yo na walang pambayad. Kapag nangungutang, napakabait, pagkatapos mangutang, biglang naglalaho. Kung hindi naman naglalaho, laging sasabihin na gipit! Gusto mo malaman kung may pera ng pambayad ang kaibigan mo? Check mo ang Facebook at Instagram! Tignan mo ang mga post na picture o kaya mga Instagram stories! Kapag madalas na nasa bar, restaurant or beach, may pera na yun! Dun ka mismo sa picture niya mag-comment para mapahiya! Singilin mo, sayang yan!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007